Buntis na guro todas sa ambush!


MANILA, Philippines —  Patay ang isang guro na 7-buwang buntis makaraang tambangan at pagbabarilin ng riding-in-tandem habang angkas ang biktima ng kanyang mister sa motorsiklo sa Tayum, Abra, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Kinilala ang nasawing guro na si Maria Elaine Besas Valencia, 36-anyos, residente ng Brgy. Pawa, Langangilang, Abra.

Sa ulat ng Abra Police, nangyari ang ambush sa kahabaan ng highway ng Sitio Bagong Barrio, Brgy. Bumagcat, Tayum bandang alas-8:50 ng gabi nitong Biyernes.

Patungo sana ang mag-asawa sa terminal ng Partas sa Bangued at bumabagtas sa nasabing highway lulan ng motorsiklo nang bigla silang dikitan ng dalawang magkaangkas na suspek saka malapitang pinaputukan. Duguang tumilapon sa kalsada ang nasabing biktima.

Halos natulala naman ang mister ng guro sa matinding pagkabigla na masuwerteng hindi nasugatan sa insidente.

Sa imbestigasyon, nagtamo ng dalawang tama ng bala sa ibabang bahagi ng kanyang katawan ang ginang na unang isinugod sa Dr. Petronilo V. Seares Sr. Memorial Hospital sa Bangued bago inilipat sa isang medical facility sa Bantay, Ilocos Sur pero nabigo nang maisalba ang buhay nito.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 caliber revolver.

Kaugnay nito, isang school official ang itinutu­ring ngayon na “person of interest” (POI) ng pulisya kaugnay sa pamamaril sa nasabing buntis na guro sa Tayum, Abra noong Biyernes ng gabi.

Lumalabas na ang school official, na umano’y karelasyon ng 16-anyos na anak ng biktima, ang tinututukan bilang POI habang patuloy na inaalam ng pulisya ang posibleng motibo sa krimen.