Palasyo kay Harry Roque: Wag makisawsaw sa isyu kay VP Sara


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Kinastigo ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro si Atty. Harry Roque sa pakikialam nito sa isyu ni Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagiging “complete failure” nito sa Department of Education (DepEd).

Ito ay kasunod pagkwestyon ni Roque kay Castro kung kwalipikado ba itong maghusga sa performance ni VP Duterte noong ito ang kalihim ng DepEd.

Giit ni Castro, sa halip na sumawsaw sa isyu ay mas mabuting unahin muna ni Roque na ayusin ang kanyang problema kaysa sa problema ng iba at harapin ang mga kaso nito sa Pilipinas sa halip na ipagtanggol ang iba.

Tila pinagsisiksikan pa rin aniya ni Roque ang sarili sa Netherlands gayung ayaw sa kanya ni da­ting Pangulong Rodrigo Duterte pati ng abogado nito na si Nicholas Kaufman.

“Alam mo Atty. Harry Roque, para hindi uminit ang ulo mo, unahin mo kasi muna yung problema mo di ba? Ang dami mong problema eh. Ayaw ka na nga iba, ipinipilit mo pa ang sarili mo,” ayon kay Castro.

Dagdag pa ni Castro na inilalayo na ng mga Duterte ang sarili kay Roque subalit pilit pa rin aniya itong pumapasok tulad na lamang ng pakikisawsaw niya sa isyu ng pagiging bigo umano ni VP Sara nang pamunuan ang DepEd.

Giit pa ni Castro, batayan aniya ang lahat ng kanyang sinabi at ito ay hindi haka-haka tulad ng ginagawa ng Bise Presidente na gumagawa ng kuwento laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.