Palasyo kay Magalong: Bigyan ng info si Pangulong Marcos sa flood control projects


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Hinimok ng Malacañang si Baguio City Mayor Benjamin Magalong na isumite kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang impormasyon sa mga maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na mas makabubuti kung si Magalong ay direktang maglalahad ng kanyang nalalaman sa Pangulo.

‘’Kung anuman po ang maitutulong ni Mayor Magalong, mas maganda po na ito ay ibinigay niya sa Pangulo at hindi naman po siguro kinakaila­ngan na magkaroon ng isang magli-lead sa probe dahil may mga limitasyon na po at sistema na ibinigay sa ating Pangulo,’’ ani Castro.

‘’Kung anuman po ang mayroon siya, kung ito po ay kumpleto ay maaari niya po itong maisumite agad-agad sa ating Pangulo para iyong sinasabi po nilang 67 congressmen at mukhang nakilala sila ni Mayor Magalong hindi po ba mas magandang maibigay na niya ang report na ito sa ating Pangulo?’’ dagdag ni Castro.

Tiniyak ni Castro na sasampahan ng kaso ang mga matutukoy kung may sapat na ebidensya.

Nauna nang sinabi ni Magalong na naghihintay siyang matawag sa Kongreso matapos niyang sabihin na may mga mambabatas na nakatanggap mula sa mga proyektong pang-imprastraktura, kabilang ang mga programa sa pagkontrol sa baha.

Sa parehong briefing, muling iginiit ni Castro na iimbestigahan ang 15 contractors, na nakakuha ng karamihan sa mga flood control projects.

Kung mapapatuna­yan ang kanilang pagkakasangkot, ani Castro, sasampahan sila ng kaukulang kaso.