MANILA, Philippines — Pinuri ng Malacañang ang mga law enforcement agencies dahil sa mabilis na pagkilos sa pag-aresto sa Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na inakusahan nang pangha-harass sa mga viral video.
Ayon kay Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na nalaman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang insidente at mabilis na inutusan ang mga awtoridad na kumilos.
“Yes, opo, nakarating po ito sa ating Pangulo kaya po mabilis niya itong pinakilos itong ating mga tungkulin,” ani Castro.
Partikular na pinuri ni Castro ang Philippine National Police (PNP), Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at ang Bureau of Immigration (BI) sa kanilang magkasanib na pagsisikap sa paghuli sa vlogger.
“Kaya po sa joint efforts po ng PNP, CIDG at ang Bureau of Immigration ay nahuli po itong agad si Vitaly Zdorovetskiy dahil nakita nga po kung papaano bastusin ang ating mga kababayan at hindi igalang kung anong batas natin dito,” ani Castro.
Kinumpirma ni Castro na si Zdorovetskiy ay nakakulong ngayon sa BI facility sa Camp Bagong Diwa sa Bicutan at sumasailalim sa inquest proceedings.
Sinabi ni Castro na si Zdorovetskiy ay inaasahang ipapatapon at maaaring ideklarang persona non grata.
