Pamilyang tulak ng droga, ni-retire ng PRO1!


Congratulations kay Brig. Gen. Bernard Yang, ang hepe ng Anti-Cybercrime Group ng PNP na napiling Best National Operational Support Unit of the Year 2024 para sa darating na 124th Police Service Anniversary.

-oooooo-

Isang pamilya sa Tayug, Pangasinan ang ni-retire ng mga tauhan ni PRO1 director Brig. Gen. Dindo Reyes sa pagtutulak ng droga. Sa report na natanggap ni Reyes, may pagka-palos kung mag-operate ang pamilya. Kaya lang may kasabihan­ tayong ang lahat ng kasamaan ay may hangganan, di ba mga kosa? Kaya hayun, paisa-isang nahulog sa lambat ng pulisya ang pamilya na tulak ng droga sa Tayug.

Ayon kay Reyes, hindi lang sa Tayug may kliyente itong pamilya ni alyas Nora kundi maging sa katabing mga muni­sipalidad nito. Mahigpit ang kautusan ni Reyes na dapat iligpit na ang drug distribution nila, hindi lang sa District 6 ng Panga­sinan, kundi sa buong probinsiya upang masawata na rin ang kriminalidad.

Natuklasan kasi ni Reyes na karamihan sa bilang ng krimen sa PRO1 ay dahil sa mga suspects ay bangag sa droga. Ganun na nga! Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sinabi ni Reyes na si Nora ay top priority target ng PRO1 sa illegal drugs ngayong Agosto. Kaya inaprubahan kaagad ni Reyes ang ginawang Coplan “Umera” na ipinasa ng RDEU upang ma-neutralize si Nora. Nasakote si Nora sa Bgy. Agno, noong Agosto 5 sa bisa ng arrest warrant na inisyu ni Judge Emma Ines-Parajas ng RTC Branch 52 ng Tayug.

Nakumpiska kay Nora ang 30 gramo ng shabu na nagka­kahalaga ng P204,000, dalawang plastic sachets na may shabu­ residue, isang tooter, sling bag, perfume pouch kung saan natagpuan ang shabu, two lighters at metal forceps.

Ang inventory ng nakumpiskang ebidensiya ay nasaksihan nina mediaman Joseph Mariano, Ma. Grace Lopez, Kgd. Noli Cariño at Conrado Rodico, ng Bgy. Agno. Tsk tsk tsk! Mukhang swak sa banga si Mam Nora ah. Ang sakit sa bangs nito!

Sa intel assessment ng PRO1, lumabas na si Nora ay nanay nina alyas Roberto at alyas Rolex, na mga kilalang drug persona­lities sa Tayug. Naunang naaresto ng PRO1 sina Roberto at Rolex, ani Reyes.

Si Rolex ay kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prisons at malakas ang paniniwala ni Reyes na siya ang source ng illegal na droga ng pamilya. Si Roberto naman ay naaresto na rin sa droga ng Tayug police subalit nakapag-bail ito noong Hunyo 4. Mahigpit ngayon ang pagbabantay sa kanya.

“The neutralization of the suspect (Nora) disrupted the local drug distribution network in the 6th district of Pangasinan, thus reducing the supply flowing in.,” ani Reyes. Mismooo! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Sa totoo lang, nagsagawa ang PRO1 ng 140 operations kontra droga mula July 1 at 152 katao ang naaresto. Nakumpiska naman ang 978.67 gramo ng shabu at 3,786 gramo ng tuyong dahon ng matijuana na nagkakahalagang P7 milyon.

Maliban pa riyan mga kosa ang 1,138 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon na isinurender sa PRO1. Nasa tamang landas si General Reyes, di ba mga kosa? Abangan!