August 25, 2025 | 12:00am
Walang silbi!
MANILA, Philippines — Tinawag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Linggo na walang silbi at isang uri ng “economic sabotage” ang P264-milyong rockshed sa bayan ng Tuba, Benguet.
Nagtungo sa Benguet si Marcos Jr. upang siyasatin ang rockshed, na dapat ay magsisilbing proteksiyon sa Kennon Road mula sa pagguho ng lupa.
Kasama ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, muling nagpahayag ng pagkadismaya si Marcos matapos makitang nasa “precarious condition” ang P264-milyong proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), na natapos noong Nobyembre 2024.
“Parang walang ginawa”, ani Marcos.
“Ito ay nabura. Ito ay nasira dahil ang proteksyon na pader ay napakahina…Ito ay napakababa at napakahina kaya ang tubig ay maaaring tumagos,” dagdag ni Marcos.
Bumagsak ang ilang bahagi ng istruktura nang hampasin ng Bagyong Emong ang rehiyon noong Hulyo.
Ang Kennon Road ay isang pangunahing daan patungo sa Baguio City at iba pang bahagi ng Cordillera Administrative Region.
