Pacquiao, nakuha suporta ng Tawi-Tawi sa isinusulong na bisyon sa ekonomiya at turismo ng lalawigan


BONGAO, Tawi-Tawi, Philippines — Nakuha ni Senatorial Candidate Manny Pacquiao ang buong suporta ng pinakamalakas na political bloc ng Tawi-Tawi, sa pangunguna ni Governor Yshmael “Mang” Sali at 11 alkalde ng Bangsamoro Province nitong Lunes.

Sa isinagawang konsultasyon sa Bongao, inilahad ni Pacquiao ang kanyang bisyon para sa pag-unlad ng ekonomiya at turismo ng Tawi-Tawi sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga reporma sa sektor ng maritime.

Kabilang dito ang panukalang pagkolekta ng port access fees, pilotage, bunkering services, at iba pang maritime services sa mga pantalan ng lalawigan. “Ang Tawi-Tawi ay maaaring maging pintuan ng Pilipinas patungo sa East ASEAN Growth Area. Sa maayos na pamumuno at tamang batas, makakalikha tayo ng panibagong kita para sa lalawigan habang pinapalakas ang seguridad sa ating teritory at karagatan,” ani Pacquiao.

Binanggit ni Pacquiao ang mga benepisyong pang-ekonomiya na maaaring makamit ng lalawigan: • Kita mula sa buwis sa paggamit ng pantalan at serbisyong pandagat • Paglikha ng trabaho sa bunkering, pagkukumpuni ng barko, at crew exchange • Pagtutulak ng lokal na turismo at imprastraktura • Pagpapalakas ng blue economy o ekonomiya sa karatagan at soberanya ng Pilipinas sa katubigan Ngunit inamin rin ng pambansang kamao ang mga hamon na kakaharapin: • Panganib sa seguridad tulad ng smuggling at piracy • Kakulangan sa imprastraktura tulad ng pantalan at fuel depots • Pangangailangan ng koordinasyon sa MARINA, Philippine Coast Guard, at Department of Transportation.

Maituturing na kabilang ang Tawi-Tawi sa may pinakamaliit na bilang ng botante, ngunit ipinagmamalaki ng Tawi-Tawi ang mataas na voters turnout noong 2022 na umabot sa 61.7%, mula sa 232,845 na rehistradong botante. “Hindi lang ito usapin ng pulitika. Ito ay tungkol sa pagbubukas ng potensyal ng Tawi-Tawi—ekonomiya at bilang simbolo ng dangal ng Pilipinas sa katimugan.

Kaya hindi natin sila dapat kalimutan at tiyakin na maramdaman ng mga tao dito yung gusto natin gawin,” dagdag pa ni Pacquiao.

Sa tulong ng matibay na lokal na suporta at malinaw na legislative agenda, pangako ni Pacquiao na dalhin ang tinig ng mga malalayong lalawigan tulad ng Tawi-Tawi sa sentro ng pambansang paggawa ng polisiya.