PCG, nabahala sa Chinese research vessel na namataan sa Ilocos Norte


MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Coast Guard (PCG) sa isang Chinese research vessel na namataan sa Ilocos Norte kamakailan, dahil ang naturang barko ay mayroon anilang deep sea mapping capabilities para sa submarine deployment.

Ayon kay PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela, ang Tan Suo 3 ay maaaring nagsagawa ng illegal marine scientific research sa exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.

Itinuturing rin ni Tarriela na security concern ang mga ilegal na aktibidad ng barko ng China sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Matatandaang sinabi ng PCG na ang Tan Suo 3 ay unang namataang pumasok sa EEZ noong Mayo 1, may 92 nautical miles sa karagatang sakop ng Burgos, Ilocos Norte.

Kaagad umaksiyon ang PCG at idineploy ang BRP Teresa Magbanua at isang aircraft upang i-monitor, hamunin at eskortan ang barko palabas ng EEZ ng Pilipinas.

May na-monitor din umano ang PCG na isang manned deep-sea submersible vessel na patungo sa Tan Suo 3, ngunit malaunan ay ni-retrieve rin ito ng kanilang crew.

Ani Tarriela, ang naturang submersible, o kilala sa tawag na SHENHAI YONGSHI o Deep-Sea Warrior, ay ginawa para sa deep-sea exploration at scientific research, na may kakayahang sumisid sa lalim na hanggang 4,500 metro.

Nasa labas naman na ng EEZ ng Pilipinas ang Tan Suo 3 hanggang alas-10 ng umaga nitong Martes.