Pangulong Marcos: imbestigahan krimen sa mga paaralan


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 15, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Inutos ni Pangulong Bongbong Marcos sa mga ahensiya ng g­obyerno na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga ulat ng krimen na kinasasangkutan ng mga guro at estudyante.

Tiniyak ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na agad aaksiyunan ng pamahalaan ang mga insidenteng ito lalo na’t mga menor-de-edad ang sangkot.

Sinabi ni Castro na inatasan na ng Pangulo ang Department of Education, Department of the Interior and Local Government at Philippine National Police para magsagawa ng masu­sing imbestigasyon.

Maging ang Department of Social Welfare and Development na tiyakin babantayan at maipatutupad ng maa­yos ang child protection policy ng Department of Education.

Nauna rito, napa­ulat na isang Grade 10 student ang binaril ng kanyang 18-anyos na ex-boyfriend sa loob ng silid-aralan sa Nueva Ecija kamakailan. Kapwa namatay ang dalawa.

Isa ring guro sa Lanao del Sur ang binaril at napatay ng kanyang estudyante matapos bigyan ng mababang grado.