MANILA, Philippines — Matapos ang matinding pagbaha dulot ng Habagat at bagyong Crising, nanawagan si Quezon City 5th District Councilor Alfred Vargas sa national government na maglaan ng pondo para sa pagsasaayos at paglilinis ng mga pangunahing lansangan sa lungsod na bahagi ng Quezon City Drainage Master Plan.
Sa kanyang privilege speech nitong Miyerkules, inihayag din ni Vargas ang plano niyang maghain ng isang ordinansa para gawing departamento ang Quezon City Disaster Risk Reduction Management Office (QCDRRMO) para lalo pang palakasin ang kakayanan nito, at madagdagan ng mga tauhan at kagamitan.
Pinuri rin ni Vargas si Mayor Joy Belmonte sa kaniyang “matatag at personal na pamumuno” sa gitna ng malawakang pagbaha na nagpalikas sa libu-libong residente.
Pinasalamatan din niya ang mga kawani ng QCDRRMO sa kanilang paglilingkod sa publiko at sa kanilang papel sa pagliligtas sa libu-libong residente partikular na sa ika-5 Distrito ng lungsod na may pinakamaraming nailikas na pamilya.
Bilang pinuno ng Disaster Risk Reduction Committee ng City Council, binigyang-diin ni Vargas ang kagyat na pangangailangan na lubusang ipatupad ang Drainage Master Plan ng lungsod at ang pagpapatayo ng mas maraming evacuation centers sa harap ng katotohanan na ang Climate Change na ang new normal.