Pangulong Marcos makikipagkita kay Trump anumang oras


MANILA, Philippines — Handang makipagkita si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kay US President Donald Trump sa Washington anumang oras.

Ayon kay US Ambassador to the Philippines Jose Manuel Romualdez, anumang oras ay maaaring magtungo sa Washington si Pangulong Marcos kung available na si Trump.

Sinabi pa ni Romualdez na ang naturang pagpupulong ay maaaring mangyari sa panahon ng Spring o panahon ng tagsibol na inaasahan ngayong Marso o Abril.

Dagdag pa niya na ang Pilipinas ay naghahangad na mag-import ng liquified natural gas (LNG) mula sa Estados Unidos bilang bahagi ng “give and take” sa kalakalan. 

Kasabay pa nito, iginiit ni Romualdez na mananatili pa rin ang mga umiiral na kasunduan sa depensa sa pagitan ng dalawang magkaalyadong bansa.