MANILA, Philippines — Ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nagkausap sila ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim para talakayin ang mga kinakaharap na hamon ng ASEAN Region partikular na ang may kinalaman sa ekonomiya at seguridad.
Sa social media post ng Pangulo, na kabilang sa kanilang napag-usapan ni Anwar ay ang gaganaping ASEAN Summit sa Malaysia ngayong buwan.
Sinabi ni Marcos na ang ekonomiya at seguridad ang pangunahing prayoridad ng mga bansa sa ASEAN bilang bahagi ng adhikain ng ASEAN leaders na mapanatili ang kapayapaan at mapanatag at mapaunlad ng husto ang rehiyon para makasabay sa iba pang malalaking bansa.
“Nagkausap kami ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ng Malaysia tungkol sa mga hamon sa ekonomiya at seguridad na kinakaharap ng ASEAN bilang isang rehiyon,” pahayag pa ng Pangulo sa kanyang social media post.
Samantala, umaasa naman ang Presidente na magpapatuloy ang mga talakayan kasama ang iba pang ASEAN leaders sa nakatakdang summit ngayong buwan para mas mapanatag ang posisyon sa pagsusulong ng mapayapa at mapaunlad na ASEAN Region.
Maliban sa isyu sa ekonomiya at seguridad, inaasahang tatalakayin din sa ASEAN summit ang iba pang usapin na kapwa mahalaga sa bawat bansa sa ASEAN.
