August 16, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang humihingi ng paliwanag sa St. Timothy Construction Corporation hinggil sa umano’y nabigong proyekto sa pagkontrol ng baha sa Calumpit, Bulacan.
Nagsagawa ng site inspection si Marcos sa Rehabilitation of the River Protection Structure kasunod ng kanyang naunang paghahayag na ang Bulacan ang may pinakamaraming flood control projects, na umabot sa 668 proyekto.
Sinabi pa ni Marcos na dapat sagutin ng kontratista kung gaano kahirap ang buhay na ibinigay nila sa mga taga-Bulacan.
‘’St. Timothy ang kontratista dito kaya titingnan natin, kailangan pasagutin natin kung bakit ganito ginawa nila… mas mabuti pa dapat pumunta sila rito, makita nila gaano kahirap ang buhay na binigay nila sa mga kababayan natin,’’ ani Marcos.
Sinabi rin ng Pangulo na hindi niya maisip kung anong posibleng excuse ang gagamitin ng kontratista.
Aniya, nalaman niyang walang dredging o desiltation ang nangyari sa lugar bilang bahagi ng flood control project.
Inatasan ng Pangulo ang deployment ng mga scuba divers para inspeksyunin kung ano ang nangyari sa mga bigong flood control projects.
Sinabi ng Presidential Communications Office, lumiham din ang isang residente sa Pangulo na nagrereklamo tungkol sa mga substandard na materyales na ginamit sa naudlot na flood control project.
