Papatulan ba ang nagpaparamdam? | Pilipino Star Ngayon


Dear Dr. Love — Pilipino Star Ngayon

October 12, 2025 | 12:00am

Dear Dr. Love,

Itago mo ako sa pangalang Jerico, 42-anyos. Hiwalay na kami ng ka-live-in ko nang 7 years, pero hindi kami nagkaanak. Ako na mismo ang nagpasyang humiwalay dahil wala naman siyang balak na pakasalan ako.

Priority niya ang trabaho niya at gusto pa raw niyang ma-promote at yumaman. Gusto ko nang magkapamilya pero ayaw pa niya.

Mayroong babae na nagpaparamdam sa akin. Hindi ko siya type pero dikit nang dikit sa akin at nagpapahaging.

Sa tingin ko, bibigay agad ito kapag niligawan ko.

Ano kaya ang dapat kong gawin? Dapat ko ba siyang patulan, kaya lang dahil hindi ko siya type ay baka pagsisihan ko lang at masayang ang panahon ko sa kanya.

Pagpayuhan po ninyo ako, Dr. Love.

Maraming salamat po.

Jerico

 

Dear Jerico,

Sang-ayon ako sa nagiging pag-aalinlangan mo na patulan ang babaeng nagpaparamdam sa’yo.

Dahil karamihan sa mga pakikipag-relasyon na hindi pag-ibig ang pundasyon ay madali lang din nabubuwag.

Ang payo ko, makabubuti na maging magkaibigan muna kayo. Nang sa gayon ay magkaroon ka ng pagkakataon na makilala siya nang husto.

Alamin mo ang kanyang pagkatao para hindi ka magsisi sa huli.

Obserbahan mo ang kanyang mga kilos at pakikisalamuha sa iba. Alamin mo rin kung anong klase siyang anak o kapatid sa kanyang pamilya.

Maaaring makatulong kung kakaibi-ganin mo ang mga kaibigan niya o kaya’y magtanong-tanong ka sa inyong common friend.

Ilan lamang ang mga option na ‘yan na puwede mo subukan.

Sa pamamagitan din nito, makikita mo kung ano ang motibo na meron siya sa’yo. Mula rito ay maaari ka nang magkaroon ng ideya kung may pagkakataon ba ang stedy relationship sa pagitan ninyong dalawa o kung hanggang pang past time lang ang gaya niyang babae.

Hangad ko matagpuan mo ang tunay na pag-ibig para maging happy ang love life mo.

Dr. Love