Paramihan ng maaarestong kriminal — Torre Doris Franche-Borja


MANILA, Philippines —  ‘Paramihan’ ng maaarestong kriminal.

Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III na bahagi ng kanyang sistema upang bumaba ang bilang ng krimen sa bansa.

Subalit ayon kay Torre, ang ‘paramihan’ ay dapat na may sapat na basehan sa pagsasampa ng kaso sa mahuhuling kriminal. 

Ani Torre, hindi pupuwede na kung sinu-sino lamang ang kakasuhan at mababalewala sa piskalya at sa korte lalo pa’t malalabag ang karapatang pantao.

“Siguraduhin nyong tama ang trabaho at pagkakahuli dahil kung nagkataon may kalalagyan ang pulis”, ani Torre.

Sinabi ni Torre na dapat na tayuan ng pulis ang pagkakaaresto at kumbinsihin ang korte sa kanyang mga ebidensiya upang mapakulong ang kriminal.

“Deliver excellence in your police work. File affidavits. Execute warrants. Bring criminals to justice. Raise your hands in front of judges and fiscals and provide evidence against these criminals to support their conviction. And you will be recognized and rewarded,” dagdag pa ni Torre.

Hindi anya ­maaaring pairalin ang sistema noong administrasyong Duterte.

Ang karapat-dapat na pulis ang ipupuwesto sa tamang posisyon.