MANILA, Philippines — Nasawi ang isang drug suspect habang tatlo namang pulis ang nasugatan makaraang maaksidente ang patrol car na sinasakyan ng mga ito sa highway ng Brgy. Natividad, Barotac Viejo, Iloilo nitong Miyerkules.
Idineklarang dead-on- arrival sa pagamutan ang drug suspect na tinukoy lamang sa pangalang John, 44, residente ng Brgy. Ainsulong, Batad.
Samantalang patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang mga sugatang pulis na hindi na tinukoy ang pagkakakilanlan.
Sa report ng Iloilo Police, ang suspect na si John ay nasakote sa buy-bust operation na inilunsad ng mga operatiba at kasalukuyan na ang mga itong pabalik sa bayan ng Batad galing sa pagsailalim sa drug test ng nasabing suspect sa PNP Crime Laboratory sa Camp Delgado, Iloilo City.
Base sa imbestigasyon, nawalan ng kontrol sa manibela ang pulis na nagmamaneho sa patrol car nang masabuyan ng tubig ang windshield ng behikulo kung saan nakaapekto ito sa ‘visibility’ ng driver.
Dahil dito tinamaan ng gulong ng behikulo ang gutter sa tabi ng highway bago ito sumalpok sa poste ng telecom hanggang sa mahulog sa malalim na bahagi ng roadside sa lugar.
Isinugod naman ang mga biktima ng mga sumaklolong rescue team at isinugod ang mga ito sa pagamutan pero dead-on- arrival na ang naarestong suspect.