MANILA, Philippines — Ibinunyag ng Philippine Coast Guard (PCG) kahapon na nakamonitor sila ng nasa 10,000 umano’y trolls na umaatake sa ginagawang pag-aangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
Sinabi ni PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela nang simulan nila ang transparency initiative, nasa 1,000 trolls lamang ang kanilang na-monitor. Gayunman, nag-10 doble na aniya ito sa ngayon at umabot na sa 10,000.
Ibinunyag ni Tarriela na ang mga nasabing trolls ay nag-o-operate sa tatlong antas. Kabilang aniya dito ang pagiging influencers o initiators, disseminators, at reposters.
Ayon aniya sa mga trolls, walang legal na basehan ang Pilipinas sa pag-claim sa WPS at siyang nagpapasimuno ng tensiyon doon.
Itinuturo rin umano ng mga ito ang Estados Unidos na siyang nag-i-initiate ng laban ng Pilipinas para sa WPS.
Inaatake rin ng mga ito ang mga opisyal ng pamahalaan na nagsusulong ng posisyon ng Pilipinas sa WPS.
