PDEA agent na nabaril sa drug ops, pumanaw na


MANILA, Philippines — Pagkalipas ng apat na araw na pakikipaglaban ng isang ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nabaril sa ulo sa isang drug operation ay tuluyan na itong namaalam,kahapon.

Kinilala ang nasa­wing biktima na si Raffy Escobido na inoobserbahan sa ospital na nabaril sa ulo ng dalawang drug suspek sa isang drug bust operation sa Calamba City, Laguna noong Linggo ng alas-9:15 ng gabi.

Nabatid na ang biktima ay umaktong poseur buyer sa drug suspek na si alyas “Mark” at dalawa nitong kasama sa par­king lot ng isang mall sa Barangay Real, Calamba City.

Habang nagkaabutan ng droga ay nakahalata ang mga suspek na otoridad ang kanilang katransaksyon nang sumulpot ang ibang kasama ng biktima.

Dito na bumunot ng baril ang mga suspek at pinagbabaril ang mga otoridad na kung saan ay nasapol sa ulo ang biktima sa palitan ng putok ng baril.

Nagawang makatakas ang mga suspek sakay ng dark gray na sasakyan na (NIN-5940) patungo sa National.

Siniguro naman ng PDEA na hindi mababaliwala ang pagkamatay ni Escobido dahil hindi umano sila titigil na maaresto ang mga suspek.