PhilHealth sana maging totoong health insurance


SAPOL — Jarius Bondoc — Pilipino Star Ngayon

January 27, 2026 | 12:00am

MAY state health insurance rin sa ibang bansa, katumbas ng PhilHealth sa Pilipinas. Ang tawag sa America ay Medicare. Naghuhulog ng bahagi ng buwanang sweldo ang lahat ng kasapi. At ku’ng maralita ay benepisyaryo ng Medicaid.

Pero may malaking kaibhan ang Medicare at PhilHealth. Sa PhilHealth, kailangang ma-ospital muna at mabinggit ang buhay bago maka-kubra ng katiting. Sa Medicare, sakop lahat ng gastos ng pasyente. Mula konsultasyon sa general physician at espesyalista, xray at lab tests, hanggang iniksyon at iniinom na gamot ay sagot ng Medicare.

Sulit na sulit ang hulog ng mga kasapi ng Medicare. Luging lugi ang mga sa PhilHealth. Naghulog ka na ng daan-daang libong piso sa isa o dalawang dekada, pero P30,000 lang ang ida­ragdag sa pa-ospital mong milyong piso.

Kamakailan lang ay idinagdag ng PhilHealth ang pa-dia­lysis, pabunot ng ngipin, at pa-opera ng mata. Pero kulang pa rin.

Mayroong e-Konsulta ang PhilHealth. Isang beses kada-taon ay maaring kumonsulta sa espesyalista. Pero bahagi lang din n’un ang binabayaran ng PhilHealth. Ang labis ay kaila­ngang punuan ng kasapi.

Dalawa ang rason sa konting benepisyo:

Una, kapos ang ibinibigay ng gobyerno na pondo para sa mga maralitang kasapi. Napipilitan silang sustentuhan ng mga kasaping naghuhulog ng tig-P6,000-P60,000 kada taon.

Ikalawa, winawaldas ng pamunuan ang pera ng PhilHealth. Ilang pangulo na ang nagtalaga ng mga mandarambong na top management. Bilyun-bilyong piso ang ibinulsa. Wala ni-isang nakulong.

Ku’ng husayan ang palakad sa PhilHealth, mapapakina­bangan ito ng husto ng mga kasapi. Parang Medicare na rin.

***

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)