Philippines, Australia, Japan, US nabahala sa agresibong aksiyon ng China sa ECS, West Philippine Sea


MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkabahala ang mga Kalihim ng Depensa ng Pilipinas, Australia, Japan at Estados Unidos sa lumalawak at agresibong aksiyon ng China sa East China Sea (ECS) at maging sa West Philippine Sea (WPS) o South China Sea.

Ito’y matapos na talakayin ng mga Defense Chiefs sa pagdalo ng mga ito sa Shangri-Lah dialogue sa Singapore ang patuloy na agresyon ng China sa nasabing teritoryo ng karagatan.

Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong sina Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr., Australian Deputy Prime Minister and Minister for Defense Richard Marles, Japanese Minister of Defense Nakatani Gen at US Secretary of Defense Pete Hegseth.

“The defense leaders expressed continued serious concern about China’s destabilizing actions in the ECS and the SCS and any unilateral attempts to change the status quo by force or coercion,” ayon sa joint statement.

“They also reiterated their serious concern about dangerous conduct by China in the SCS against the Philippines and other countries and stressed the importance of the peaceful resolution of disputes,” saad pa sa pahayag.

Inihayag ng mga Defense Chiefs ang kahalagahan na mapanatili ang internasyonal na batas, kalayaan sa paglalayag at paglalakbay sa himpapawid na nakasaad sa United Nations Convention on the Law of the Sea.

Nanawagan din ang mga ito para sa kapayapaan at katatagan ng rehiyon kung saan importante at nakasentro rito ang papel ng ASEAN na pangunahan ang pagtiyak ng seguridad at katatagan sa Indo-Pacific Region.