phobia | Pilipino Star Ngayon


KATAKUT-TAKOT na tuligsa ang ibinabato ngayon kay Senate President Chiz Escudero sa delaying tactic niya upang pigilan ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte. Gigil na gigil na ang mga naniniwalang dapat harapin at sagutin ni Sara ang mga alegasyon laban sa kanya. At siyempre, pumapalakpak naman pati taynga ng mga kapanalig ng Duterte.

Ako man ay pabor na matuloy ang trial dahil ibig kong marinig ang paglilinaw ni Sara sa mga alegasyon na ipinupukol sa kanya. Sinabi rin naman ni Sara na gusto niyang matuloy ang trial na tinawag pa niyang “bloodbath”.

Sabi ng iba, mukhang feel na feel ni Escudero na magwawagi ang mga Duterte sa political war kay President Marcos kaya takot siya na masira ang kanyang political career. Ganyan naman talaga sa pulitika. Matagal nang sakit ito.

Sabi ni Escudero, ang ika-20 Kongreso na ang dapat magpasya kung itutuloy ang impeachment o hindi. Halatang naghuhugas ng kamay si Chiz para nga naman kung manatili sa poder si Sara at maging Presidente, good pa rin siya. Matindi pa rin talaga ang kamandag ng Duterte.

Mantakin n’yo na nakakulong na nga sa The Hague si dating President Duterte sa asuntong crimes against huma­nity e, wagi pa bilang mayor ng Davao City.

May sariling katwiran si Escudero sa pagbinbin sa pagbasa ng Senado sa articles of impeachment na mahirap unawain kaya binubugbog siya ngayon ng batikos.

Sabi nga ng ex-spokesman ni dating Vice President Leni Robredo na si Barry Gutierrez, tahasang paglabag ito sa tinatadhana ng Konstitusyon na kapag isinumite na ng Mababang Kapulungan ang articles of impeachment sa Se­nado, dapat itong aksyunan agad. 

Kung hindi matuloy, para sa akin, magsampa na lang ng kaso sa hukuman para magkaalaman.