Pinakamatandang ama sa Australia, planong magkaroon pa ng anak sa edad na 93!


MGA KWENTONG WEIRD — Ronniel Niko B. Halos — Pilipino Star Ngayon

October 15, 2025 | 12:00am

SI Dr. John Levin ang kinikilalang pinakamatandang ama sa Australia sa edad na 93. Sa kabila ng edad, pinahayag niya ang intensiyong magkaroon pa sila ng isa pang anak ng kanyang asawang si Dr. Yanying Lu, 37.

Ang mag-asawa ay nagkaroon ng anak, isang lalaki, 18 buwan na ang nakararaan.

Nagsimula ang relasyon nina Dr. Levin at Dr. Lu matapos mabalo si Levin. Upang mabawasan ang kalungkutan dahil sa pagkamatay ng kanyang asawa, sinimulan niyang mag-aral ng lengguwaheng Mandarin.

Dito niya nakilala si Lu, na kanyang naging language teacher. Mula rito, umusbong ang kanilang relasyon.

Bilang isang espesyalista sa anti-ageing medicine, naniniwala si Levin na mabubuhay siya hanggang 105 years old. Inilahad din niya na ang pagkakaroon ng bagong anak ay nagpapanatili sa kanya ng kabataan.

Inaasahan ng mag-asawa na magkaroon ng isa pang anak, at umaasa sila na ito ay baby girl.

Kinilala ni Dr. Lu ang mga paghuhusga sa kanilang relasyon­ ngunit sinabing binabalewala niya ang mga ito. “Kung ang aming kuwento ay makapagbibigay ng ngiti at inspirasyon kahit sa isang tao lamang, sapat na ito sa amin,” aniya.