MANILA, Philippines — Pinatitiyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa bagong Philippine National Police (PNP) Chief General Nicolas Torre III na malinis ang hanay ng kapulisan at maramdaman ng publiko ang kanilang presensya.
Ito ang mahigpit na bilin ni Pangulong Marcos kay Torre matapos pangunahan ang PNP change of command ceremony kung saan pormal na rin nagretiro si Police General Rommel Francisco Marbil.
Sinabi ng Pangulo, na ang pag-upo ni Torre ay nasa tamang oras sa gitna ng mga panawagan ng kalinawan, lakas ng loob at para sa paniniwala dulot ng mga hamon tulad ng transnational crimes, cyber threats, extremist violence at police misconduct.
“Hamon ko sa ‘yo, panatilihin mong malinis at marangal ang hanay ng kapulisan. Bilisan ang imbestigasyon sa mga kaso laban sa mga pulis na lumabag sa batas upang maibigay natin ang hustisya sa lalong madaling panahon,” bilin pa ni Marcos kay Torre.
Bukod dito, muling ibinilin ng Pangulo sa bagong PNP Chief na paigtingin ang presensiya ng kapulisan sa lansangan para kapag kailangan ng taumbayan ay mayroon agad na pulis na reresponde.
Dapat din aniya na ituloy ng organisasyon ang pakikipag-ugnayan sa komunidad at iba pang stakeholders para masiguro ang kapayapaan at kaayusan sa lipunan.
Nais din ni Pangulong Marcos na ituloy ni Torre ang drug operations laban sa drug lords at dealers.
Pinaalalahanan din ng Presidente ang kapulisan na huwag gamitin ang kanilang pribilehiyo para sa kanilang sariling kapakanan at benepisyo, sa halip ay gawin ang kanilang sinumpaang tungkulin na maglingkod nang may integridad.
