US hiningi extradition ni Quiboloy


Ludy Bermudo — Pilipino Star Ngayon

August 21, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nagpadala na ng extradition request ang Estados Unidos sa Pilipinas para kunin ang kustodiya ng religious leader na si Apollo Quiboloy, bunsod ng mga kasong kinakaharap doon.

Batay sa impormasyon, inihain na sa Department of Justice (DOJ) ang request at kaugnay na dokumento ng US government.

Si Quiboloy ay may kinasasangkutang mga kaso, ayon sa mga source na hindi nagpabanggit ng pangalan dahil sa kawalan ng authority na magsalita.

Sinampahan ng isang federal grand jury sa US si Quiboloy noong 2021 at naitala bilang “most wanted” ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Sangkot umano siya  sa kaso si kasong conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, coercion, sex trafficking of children, at bulk cash smuggling.

“The US is seriously seeking the extradition request and taking the necessary steps with the Philippine government in bringing him to justice,” pahayag ng isang source sa GMA News Online.

Kapag pinayagan ang kahilingan, nakasaad sa kasunduan na pag-uusapan ng magkabilang panig ang petsa at lugar kung saan isusuko ang taong ipinapa-extradite.