February 16, 2026 | 12:00am
KALABOSO ang bagsak ng isang 23-anyos na daycare teacher sa St. Charles, Illinois matapos madiskubreng sadya niyang pinapainom ng laxatives o pamparumi ang mga batang nasa kanyang pangangalaga upang mapauwi ang mga ito nang maaga.
Kinasuhan si Yizel J. J. ng endangering the life or health of a child at attempted aggravated battery. Ayon sa imbestigasyon, inamin ng guro na “overwhelmed” o hirap na siya sa pag-aasikaso sa mga bata, kaya naisipan niyang samantalahin ang policy ng daycare.
Sa nasabing polisiya, kapag nagkasakit o nagka-diarrhea ang bata, kailangan itong sunduin ng magulang at hindi puwedeng pumasok sa loob ng 24 oras, na nagbibigay sa guro ng “free time.”
Lumabas ang katotohanan matapos magreklamo ang ilang magulang na paulit-ulit na sumasakit ang tiyan ng kanilang mga anak, na pawang 2 taong gulang pababa.
Akala ng mga magulang ay virus o stomach bug lang ito, at ang iba ay nagpalit pa ng baby formula at nagpatingin sa doktor, ngunit negatibo ang mga resulta.
Napag-alaman na niloloko ng guro ang mga bata na “candy” ang chewable laxatives.
Bagama’t nakalaya pansamantala habang hinihintay ang paglilitis, nagdulot ito ng long-term side effects sa mga biktima, tulad nang matinding constipation at withdrawal symptoms mula sa gamot.