Prosecutor ng ICC tutol sa paglaya ni Duterte


Gemma Garcia — Pilipino Star Ngayon

September 14, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Tutol ang Office of the Prosecutor ng ­Interna­tio­nal Criminal Court (ICC) sa muling panawagan na pansamantalang makalaya sa piitan si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa sagot ng ICC noong Agosto 28 na inilathala nitong Setyembre 12, sinabi ni Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang, na ang patuloy na pagpiit sa dating pangulo ay magsisiguro ng kanyang pagdalo sa pagdinig at hindi magdadala ng pa­nganib sa imbestigasyon o court proceedings at para maiwasan na patuloy na gumawa ng krimen o kaugnay na krimen na nasa hurisdiksyon ng ICC.

Iginiit pa ng prose­kusyon na dapat manatii sa piitan si Duterte dahil na rin sa pagtutol ng kanyang pamilya sa legal proceedings sa korte at dahil na rin sa patuloy na sinasabi ng pamilya nito na kinidnap ang dating pangulo.

Pinagbintangan din aniya ni Vice President Sara Duterte noong Hulyo 19 ang ICC na nakiki­pagsabwatan sa gobyerno ng Pilipinas para sa mga pekeng testigo laban sa kanyang ama.

Sinabi pa ni Nang na nababahala sila sa pahayag ng Bise Presidente na nais ng kanyang ama na bumalik sa Davao City kapag nabigyan ng interim release dahil ito rin aniya ang siyudad kung saan nadoble ang pagpatay noong siya pa ang Alkalde.

Matatandaan na noong Lunes ay pinagpaliban ang confirmation of charges ni Duterte at muli itong itinakda sa Setyembre 23.