February 17, 2026 | 12:00am
NOONG bumisita si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., sa Iloilo City nasiyahan ito nang masaksihan ang kaayusan at pag-angat ng ekonomiya ng lungsod. Malaki ang inaambag ng mamamayan kaya dapat suklian ni PBBM ang mga ito. Kaya dapat niyang ipag-utos kay Department of Public Works ang Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na apurahin ang paggawa ng mga proyektong natengga na ilang panahon dahil sa kakulangan ng pondo o napabayaan ng kontraktors.
Kailangang maisaayos ang Aganan Flyover at maging ang Sunset Boulevard. Sa pagtaya kasi ng mga ekonomista mabilis ang pagyabong ng ekonomiya ng Iloilo City dahil maraming investor ang nagnanais mag-invest ng mga negosyong makatutulong sa pagkakaroon ng trabaho at syempre pagkakakitaan ng mga tao.
At hindi rin pahuhuli ang tourism industry dahil nga sa naturingan na loving and peaceful ang mga Ilonggo sigurado na dadagsa pa ang maraming turista na makapagliwaliw sa mga tourist site and resorts nang lalawigan na makapagbibigay na malaking trabaho ang negosyo sa mga mamamayan doon. Ang hindi lamang kanais-nais dito ay kung bakit tila nakatali lamang ang mabilisang proyekto sa Iloilo gayong ang Aklan, Capiz at Antique ay mga kalapit lalawigan lamang nitong Iloilo City na dapat din pagtuunan ng mga proyektong makapagbibigay nang magandang serbisyo at dagdag na trabaho para sa mga taga-Western Visayas Region.
Mukhang nabaon na naman sa limot ang pagkumpuni ng Sigma Bridge sa Sigma, Capiz. Kasi nga ayon sa pahayag nitong si Sigma, Capiz Mayor Dante Rizal Eslabon, napadalhan na nang sulat ang tanggapan nang 2nd District Engineering Office at nang contractor nitong AD Pendon Construction noon pang 2025, subalit tila nalibing na sa limot ang naturang proyekto kung kaya’t nais niya muling iparating sa kaalaman ni DPWH Usec. Calima upang magkaroon ito nang agarang aksyon. Dapat na kumilos din dito si DPWH Sec. Dizon sa isyung ito.
Mahalagang maipagawa sa pinakamabilis na panahon Ang Sigma Bridge dahil isa ito sa pangunahing Tulay upang makapunta ka ng Iloilo at Aklan mula sa Capiz. Malaki rin ang maiaambag nang mga Capiznon sa ekonomiya ng bansa kung mailuluwas nila ang kanilang mga kalakal sa iba’t ibang lalawigan at Metro Manila. Sa panahon kasi ngayon halos lahat ng mga kalakal ng mga Capizenos lalong lalo na ang sea foods ay isinasakay sa mga cargo truck na itinatawid naman ng Roll On Roll Off (RoRo) patungo sa Mindoro,Batangas, Metro Manila at sa iba’t iba pang mga lugar.
Sec. Dizon, aksyunan mo ito! Abangan!