September 14, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Pinahihinto ng isa sa pinakamalaking samahan ng mga manggagawa ang Senado at Kamara sa imbestigasyon nito sa bigo at ‘ghost’ flood control projects.
Kasabay nito nanawagan din ang Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO) para sa isang agarang imbestigasyon mula sa isang walang kinikilingang ahensiya.
Ang PTGWO ang pinakamalaking samahan ng mga unyon ng manggagawa sa bansa na opisyal na kinikilala ng Department of Labor and Employment (DOLE) ay mariing kinokondena ang malawakang katiwalian sa bilyun-bilyong pisong proyektong flood control kaya nagkaroon ng malawakang pagbaha sa maraming bahagi ng bansa.
Dahil dito kaya nanawagan ang PTGWO na madaliang, patas, malinaw at masusing imbestigasyon pati na rin ang mabilis na pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga halal at itinalagang opisyal ng gobyerno na pinangalanan ng ilang kontratista at empleyado ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pinuri naman ng grupo ang pagbuo ng Independent Commission for Flood Control Projects, subalit hinikayat si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pagsisimula ng operasyon nito para agad mapanagot ang mga may sala sa krimen.
Ayon kay Atty. Arnel Dolendo, national Presidente ng PTGWO, na paubos na ang tiwala at pasensya ng taumbayan kayat dapat kumilos agad ang pamahalaan bago tuluyang mawala ang tiwala ng publiko at nanawagan din sa Department of Justice (DOJ) na bumuo ng isang Special Prosecuting Team na binubuo ng mga senior prosecutors para masiguro na mapapanagot ang mga sangkot sa katiwalian nang hindi nauudlot dahil sa teknikalidad sa batas.