Pulitiko, sana magpabahay imbis na mandambong


PARATI ito napanonood, napakikinggan sa media tuwing nag­kasunog:

May bahay: “Nagising kami sa sigaw na, ‘Sunog, sunog!’ ‘Pagbukas ko ng pinto, puro apoy at usok ang sumalubong. Tumakbo na kami.”

Dalagita: “Wala kaming nailigtas na gamit. Tulala nga ang magulang ko.”

Binata: “Binantayan ko ang konting gamit namin na na­iligtas. Nasaksihan ko ang mga maton na ninanakawan ang mga kapitbahay. Nasunugan na nga, dinugas pa!”

Ama: “Mabuti na lang ligtas ang buong pamilya. ‘Yon ang mahalaga, maski natupok ang tirahan. Magsisimula na lang kami muli.”

OFW: “Nakitulog lang ako sa ate ko pagdating ko mula Middle East. Pauwi na sana ako sa probinsya bukas. Sa pag­kataranta ko, naiwan ko sa bag ang inipon kong pera. Wala na, nasunog lahat, wala na akong maiuuwi.”

Lola: “Nandito lang muna kami sa gitna ng kalye nakatira. Tinitiis ang init at ulan. Importanteng unahin ang gatas para sa mga bata.”

Ginang: “Kay malas, pangalawang beses na kami nasu­nugan.”

Malimit magkasunog sa squatter areas. Dikit-dikit kasi ang mga bahay na gawa sa manipis na kahoy, kandila imbis na kuryente ang pailaw, depektibong kusinilya ang lutuan. Pinag­kakaitan ng pabahay.

Maraming bakanteng lote ang gobyerno. Sana tayuan ng rowhouses, pader na hollowblocks at bubong na yero. Sa ha­lagang P500,000, meron nang sala-kainan-kusina, tulugan, banyo, kuryente.

Nitong 2025 dinambong ng Kongreso ang P288 bilyong Public Works, P17.4 bilyong dagdag sa House, P1.1 bilyong dagdag sa Senado, at P26 bilyong political ayuda. Kabu­uang P332.5 bilyon.

Ginamit sana ‘yan sa pabahay. Nakapagtayo sana ng 665,000 units, para sa ganun karaming pamilya. Isang taong budget pa lang ‘yan.