January 27, 2026 | 12:00am
NAPAPANSIN ko na puro satsat si Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla hinggil sa most wanted criminals ng bansa. Kung puro satsat si Remulla, magkakaroon ng ideya ang mga hinahanap ng batas para lalong makapagtago.
Halimbawa na lamang ay ang negosyanteng si Atong Ang na ngayon ay hindi na makita ng PNP. Dapat kumilos na lamang si Remulla nang walang satsat upang hindi na makaporma ang mga pugante lalo pa nga si Ang na sinampahan ng kaso ukol sa 34 missing sabungeros.
Mula nang lumabas ang warrant of arrest kay Ang, lahat nang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ay butata. Natutunugan kasi ng mga kumakanlong kay Ang kung saan at kung kailan sasalakay ang CIDG.
Kahit taasan pa ni Remulla ang patong sa ulo ni Ang hindi ito malalambat. Sobrang yaman ni Ang at kayang-kayang bayaran ang mga pulis na humahanting sa kanya.
Sabi pa ng witness na si Jolly Patidongan, kayang-kaya umano ni Ang na bayaran ang mga hukom. Paano na lang ang hustisya para sa mga kaanak ng missing sabungeros kung ang mga ahensiya ng pamahaaan ay pinuprotektahan si Ang?
Mahirap mahuli si Ang dahil sa rami ng pera ay kayang bumili ng eroplano na magdadala sa kanya sa ibang bansa para makapagtago. Kung noon pa inagapan ni Remulla ang mga kilos ni Ang, hindi na ito nakapagtago pa.
Nang maupo sa puwesto si dating DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla naging vocal din ito na panagutin si Ang sa pagkawala ng mga sabungeros subalit super bagal ang pagsampa ng mga kaso. Kaya nakapagtago na si Ang at may hinala pa na nasa ibang bansa na.
Sa ngayon, hindi na natulog ang CIDG sa paghahanap kay Ang. Nalaman ko na may tagubilin si DILG Sec. Remulla na magsuot ng body camera ang mga pulis na magsisilbi ng warrant kay Ang.
Samantala, sinabi ni Remulla na nasa Portugal si dating congressman Zaldy Co. May Portugal passport daw si Co kaya mahihirapang mapauwi sa bansa. Kung nahihirapan na nga ang PNP sa paghahanap kay Ang e di mas lalo pa kay Co na bilyun-bilyong piso ang binitbit ayon sa imbestigasyon ng ICI at Senate Blue Ribbon Committee. Sinampahan na ng kaso si Co at iba pa dahil sa maanomlyang flood control project sa Oriental Mindoro.
Umaasa ako na bago sana matapos ang termino ni President Ferdinand Marcos Jr., ay maisadlak sa kulungan sina Ang, Co at iba pang wanted ng batas.