Raffy Tulfo, sinupalpal ang palpak na turismo


ORA MISMO — Butch M. Quejada — Pilipino Star Ngayon

February 6, 2026 | 12:00am

Hindi na napigilan ni Sen. Raffy Tulfo ang bumuwelta ma­tapos umani ng reklamo ang Department of Tourism (DOT) dahil sa umano’y maling direksiyon ng kanilang mga tourism materials.

Sa halip na ipagmalaki ang ganda ng Pilipinas, mukha raw ng opisyal ang mas nangingibabaw.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism na ka-joint ang Social Justice at Finance noong Pebrero 3, diretsahan ang banat ni Tulfo.

Malinaw ang punto ni Tulfo  hindi raw bebenta ang turismo kung sarili ang bida.

“Ang dating sa kanila pino-promote mo ang sarili mo imbes na ‘yung magagandang tanawin sa bansa natin. It will not sell,” tirada ni Tulfo.

Para kay Tulfo, simple lang ang prinsipyo ang dapat ibi­nibida ay ang Pilipinas mismo ang mga lugar, pagkain, well­ness spots, at kung anu-ano pang puwedeng gawin ng turista.

Hindi raw personalidad ang hinahanap ng dayuhan, kundi karanasan.

Mas lalong umingay ang usapan nang banggitin ni Tulfo ang isang magazine sa Japan kung saan mukha ng kalihim ang nasa cover, imbes na mga tanawin ng bansa.

Ayon kay DOT Secretary Christina Frasco, hindi raw siya pumayag sa paggamit ng naturang larawan.

Pero kahit may paliwanag, hindi pa rin umatras si Tulfo. Giit niya, ang pag-aasta raw na parang vlogger ay hindi maka­tutulong sa pag-angat ng turismo ng Pilipinas.

‘Di na nagpaliguy-ligoy ang senador. Ayusin ang marke­ting strategy. Kung gusto raw talagang makahikayat ng turista, dapat ibalik sa tama ang pokus mga destinasyon, pagkain, kultura, at aktibidad ang laman ng website at social media ng DOT, hindi mga mukha ng opisyal.

Kahapon naglabas ng kautusan si Frasco sa kanyang nasasakupan na alisin ang anuman naka-display na litrato niya na isinabit sa buong bansa at huwag nang gumamit ng kanyang mga pictures para sa tourism materials.

Sa huli, malinaw ang mensahe ni Tulfo, “Ang Pilipinas ang bida, hindi ang sinumang nakaupo sa puwesto.”

Disklaymer: Ang artikulong ito ay isang opinyon at interpretasyon batay sa inilabas na pahayag at pagdinig sa Senado. Layunin nitong magbigay-linaw at pananaw sa isyung pampubliko, at hindi nagnanais manira ng dangal ng sinuman.