Rehab sa Marcos-type school buildings, inutos ni Pangulong Marcos


MANILA, Philippines — Dahil panahon pa ng ama nang maipatayo ang ilang paaralan sa bansa, isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang rehabilitasyon sa gusali ng mga eskwelahan.

Ito ang nadiskubre ng Pangulo matapos inspeksyunin ang Tibagan Elementary School sa San Miguel, Bulacan sa pagbubukas ng “Brigada Eskwela” kasama si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.

Napansin niya na ang mga gusali ay “Marcos-type” pa kaya kailangan na itong palitan.

“Sa inspection namin, alam ninyo ba ‘yung ibang nakita namin na school building, Marcos-type school building pa, ang Marcos-type school building was supposed to be replaced between 20 and 30 years. Ang life niyan is 20 to 30 years, pero ayan mabuti na lang at nagagamit pa,’’ pahayag pa ng Pangulo.

Giit pa ng Presidente, kailangan na nang rehabilitasyon ng karamihan sa mga gusali na ito gayundin ang mga palikuran o comfort rooms ng mga eskwelahan ay dapat nang ayusin.

Subalit dahil na rin aniya sa kahirapan sa supply ng tubig sa ilang area ay isa sa dahilan para pahirapan ang gagawing rehabilitasyon sa mga palikuran, bagamat nagbabayad naman ng tubig ang mga eskwelahan.

Ang tubig aniya ay pangunahing pangangailangan para masiguro ang maayos na kalusugan at kaligtasan ng mga bata sa eskwelahan.