Meralco bigo sa Shabab Al Ahli sa BCLA


MANILA, Philippines —  Bigo ang Meralco sa Shabab Al Ahli, 87-101, sa kanilang unang laro sa 2025 Basketball Champions League Asia noong Sabado ng gabi sa Sheikh Saeed Bin Maktoum Sports Hall sa Dubai.

Umiskor sina imports Glynn Watson at Jordon Varnado ng tig-19 points para sa Bolts habang may 15 markers si Chris Newsome.

Nakatakdang labanan kagabi ng Meralco ang B.League champions Utsunomiya Brex sa Group B.

Nawala ang 54-43 abante ng Meralco, ang reigning PBA Philippine Cup champions, sa huling tatlong minuto ng second quarter nang pamunuan ni reinforcement Deshawndre Washington ang isang 10-2 atake para ibigay sa Shabab Al Ahli ang 56-53 bentahe sa halftime.

Ang tirada ni Washington ang nag-angat sa Shabab Al Ahli sa 70-68 sa huling apat na minuto sa third period.

Mula rito ay tuluyan nang naiwanan ang Bolts sa final canto.

Tumapos si Washington na may game-high 40 points para sa host team kasunod ang 22 markers ni import Jeremiah Love.