September 5, 2025 | 12:00am
MANILA, Philippines — Nasa Estados Unidos na umano si dating House Appropriations Chairman at AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co para sa kaniyang medical treatment.
Nilinaw naman ni House spokesperson Atty. Princess Abante, na may mga ‘appropriate travel documents’ ang pag-alis ni Co at binigyan ito ng clearance ng Kamara para magpagamot sa Estados Unidos sa kaniyang karamdaman na hindi naman tinukoy ng opisyal.
Si Co ay pinagpapaliwanag ni Navotas City Rep. Toby Tiangco sa umano’y insertion ng P13,803,693,000 sa infrastructure projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng P6.352 trilyong 2025 national budget ng pamahalaan.
Samantala ang pamangkin nitong si Brgy. Health Workers (BHW) Partylist Rep. Natasha Co ay nag-request din umano ng P2 bilyong pondo para sa imprastraktura.
Ayon kay Tiangco, bago pa man ang deliberasyon ng P6.793 trilyong 2026 national budget ay tila hindi na umano niya nakikita ang presensya ni Co sa Kamara sa plenary session, mga pagdinig at maging sa mga okasyon.
Si Co ay nanahimik sa isyu sa kabila ng mga katanungan ng kaniyang kapwa mambabatas sa insertions ng bilyong pondo sa 2025 National Expenditures Program (NEP).
Nais naman ni Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice na ipatawag si Co at maging si dating Senate Finance Committee Chairman Grace Poe para magpaliwanag sa insertion ng alokasyon sa pambansang pondo.
Sa pagdinig ng Infra Comm ay inamin ni dating DPWH secretary Manuel Bonoan na nadagdagan ng P100.8 bilyon ang kanilang infrastructure projects ngayong 2025.
