January 12, 2026 | 12:00am
ISANG reklamo na may bigat ang inihain sa Office of the Ombudsman laban sa ilang opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Bureau of Customs (BOC) kaugnay ng umano’y paglabag sa rice import ban na ipinatupad noong Setyembre ng nakaraang taon.
Noong Enero 8, nagsumite ng 11-pahinang reklamo sina Raul Montemayor at Argel Joseph Cabatbat, na inaakusahan sina Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Panganiban, BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, at iba pang hindi pinangalanang opisyal ng BPI at Customs ng graft, grave misconduct, gross neglect of duty, at conduct prejudicial to the best interest of the service.
Ayon sa reklamo, nilabag umano ng mga opisyal ang Executive Order No. 93 ni PBBM, na malinaw na nagbabawal sa pagpasok ng imported regular at well-milled rice simula Setyembre 1.
Gayunman, iginiit ng mga nagreklamo na patuloy pa ring pinayagang pumasok ang imported na bigas hanggang Setyembre 15, sa kabila ng bisa ng nasabing kautusan.
Binanggit din sa reklamo na kahit Agosto 6 pa lamang ay inanunsyo na ang nalalapit na rice ban, naglabas pa rin ang BPI ng isang Memorandum noong Agosto 14, na nilagdaan ni Director Panganiban at may notasyon umano ng DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa naturang memorandum, itinakda ang mga tinawag na “grace periods”, na ayon sa mga nagreklamo ay nagbigay ng mga eksepsyon na hindi nakasaad sa EO 93 at sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng mga patakarang ito, pinayagan ang bulk shipments na dumating at magbaba ng kargamento hanggang Setyembre 15, basta’t naipadala mula sa bansang pinagmulan bago ang Agosto 30.
Samantala, ang mga containerized shipment ay pinayagang makapasok batay lamang sa petsa ng Bill of Lading na hindi lalampas sa Agosto 25, nang walang malinaw na takdang petsa ng aktuwal na pagdating.
Ayon sa tala ng Bureau of Customs, umabot sa humigit-kumulang 340,215 metriko tonelada ng bigas ang pinayagang pumasok noong Setyembre 2025 panahong ganap na umiiral ang rice import ban. Ito umano ay katumbas ng mahigit 90% ng mga importasyong saklaw ng pagbabawal.
Iginiit ng mga nagreklamo na dahil sa mga naturang “grace period,” nabigo ang layunin ng EO 93 na patatagin ang suplay at presyo ng bigas. Bilang patunay, binanggit nila na ang farmgate price ng palay noong Setyembre 2025 ay bumaba sa ?15.60 kada kilo, o 9% pagbaba mula sa ?17.11 kada kilo noong Agosto.
Ayon pa sa reklamo, ang pagbaba ng presyo ay maiuugnay sa pananaw ng merkado na hindi tunay na mahigpit ang pagpapatupad ng import ban.
Dagdag nila, ang pagpayag sa containerized shipments batay lamang sa petsa ng Bill of Lading, nang walang malinaw na deadline ng pagdating, ay umano’y nagbukas ng puwang para sa posibleng pag-abuso, na pabor sa mga importer at laban sa interes ng mga lokal na magsasaka.
Sa kabuuan, iginiit ng mga nagreklamo na ang pagdating ng mahigit 348,000 metriko tonelada ng bigas sa kasagsagan ng anihan ay lalo umanong nagpalala sa oversupply, nagpabagsak sa presyo ng palay, at tahasan umanong sumalungat sa layunin ng EO 93, habang nagbibigay ng hindi nararapat na benepisyo sa ilang sektor ng pribadong kalakalan.
Disklaymer: Ang artikulong ito ay batay sa isang pormal na reklamong inihain sa Office of the Ombudsman. Ang mga binanggit ay alegasyon pa lamang at hindi pa napapatunayan sa anumang hukuman o tanggapan. Iginagalang ang presumption of innocence ng mga pinangalanan hanggang sa magkaroon ng pinal at pormal na pasya ang mga kinauukulang awtoridad. Ang layunin ng artikulo ay maghatid ng impormasyon at magsilbi sa pampublikong interes, alinsunod sa malayang pamamahayag.