MANILA, Philippines — Sinupalpal ni Leyte Cong. Richard Gomez ang alegasyon ni Albuera mayoral candidate at self-confessed drug lord Kerwin Espinosa na politically motivated ang pagtatangka sa kanyang buhay.
Kasunod ito nang pagdawit ni Espinosa kay Gomez at misis nitong si Ormoc City Mayor Lucy Torres-Gomez sa umano’y tangkang pagpatay sa kanya.
“Do not believe somebody like him who has no credibility and a self confessed drug lord. He will not do anything good for mankind,” pahayag ng solon na sinabing maraming butas sa mga pahayag ni Espinosa.
“I take it with a grain of salt,” saad nito na sinabing maging sila man ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga pangyayari.
Abril 10 nang barilin si Espinosa na tinamaan sa kanang dibdib habang nagkakampanya sa Brgy. Tinag-an, Albuera. Sugatan din ang kaniyang running mate at kapatid nitong si Mariel Espinosa Marinay at isang menor- de-edad.
Si Espinosa ay isa sa mga katunggali ng bayaw ni Mayor Lucy na si Vince Rama habang si Gomez ay kalaban naman ng kaalyado nitong si Ching Veloso bilang congressional candidate sa ikaapat na distrito ng Leyte.
Magugunita na una nang isinailalim sa imbestigasyon ang pitong pulis ng Ormoc City na mga ‘persons of interest’ sa ambush kay Espinosa.
