Rigodon sa PNP, malaking role gagampanan ng cigarette smuggling!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

January 11, 2026 | 12:00am

KUNG magkaroon man ng rigodon sa hanay ng Philippine­ National Police sa unang buwan ng taong 2026, tiyak mala­king papel ang gagampanan ng kampanya laban sa ismagel na sigarilyo.

Hindi kasi nagustuhan ni PNP chief Gen. Jose Melencio “Tateng” Nartatez Jr. na may mga police commanders na malamya sa kampanya vs smuggled cigarettes, na maituturing na pagsasabotahe ng ekonomiya ng Pinas.

Sa New Year’s call ng top PNP officials ng nakaraang linggo, inisa-isa ni Nartatez ang kanyang regional directors ng update ng kampanya nila laban sa cigarette smuggling.

May isang RD na hindi tumayo at sinita ni Nartatez kung bakit walang mai-report kahit na-text na siya nito tungkol dito. Ang sagot ni RD: “hindi niya natanggap ang text message ni PNP chief.” Araguyyy!

Hayun, sinabihan ni Nartatez ang RD na magbalut-balot na. Tsk tsk tsk! Kapoy na si Sir sa pagiging RD? Purbidang yawaahhh! Ano sa tingin n’yo mga kosa? Hehehe! Kaila­ngan pa bang i-memorize ‘yan?

Sa totoo lang, ipinagmalaki ni Nartatez ang pinakamala­king achievement ng kanyang liderato; ang pagkahuli ng mga tauhan ni HPG director Brig. Gen. Hansel Marantan ng halos P2.6 bilyon na smuggled cigarettes sa Batangas at Malabon City noong bisperas ng Bagong Taon.

Kaya malaki ang pag-asa ni Marantan na maging RD. Sa PRO4-A kaya? Siyempre, natural lang na premyuhan ni PNP chief ‘yung may mga magagandang trabaho at sipain na ang mga kulelat, di ba mga kosa?

Kayo mga kosa, may natunugan na ba kayong ma-promote at masibak na RD sa napipintong reshuffle sa PNP? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Sa naturang New Year’s call, nagbigay ng mahigpit na tagu­bilin si Nartatez sa top PNP officials para isulong ang kanilang kampanya laban sa lahar ng uri ng kriminalidad “with renewed strength, clearer purpose, and deeper commitment to our sworn duty.”

Naniniwala si PNP chief na kapag naipatupad ito ng kanyang mga tauhan, hindi sila maliligwak o maliligaw sa pagpatupad nila ng kanilang trabaho. Mismooo!

Si Nartatez ay nagsimulang manungkulan sa trono ng PNP noong Agosto 26, 2025 kung saan isinulong niya ang 85 programa, aktibidad, at proyekto na suportado ng 143 performance indicators.

“We confronted realities head-on, particularly complex crimes, cybercrime and terrorism,”: ani Nartatez. “These challenges reflect the evolving nature of modern policing. What matters is that we are no longer managing by assumption, but by data, analysis and accountability,” dagdag pa ni Nartatez. Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Kanya-kanyang diskarte lang ‘yan!

“Kapag malinaw ang patakaran, buo ang suporta ng liderato at komunidad at kayang kaya ng kapulisan an maghatid ng suporta,” ang giit ni Nartatez.

Kaya naman nagyabang si Nartatez dahil sa liderato n’ya may 22,909 na wanted persons ang nakulimbat, nagsagawa ang PNP ng 19,022 anti-drug operations kung saan 23,196 drug personalities ang naaresto at nakumpiska ang P11.29 bilyon na droga.

Sa kampanya naman laban sa loose firearms, 1.3 milyon operations ang ikinasa, 3,484 violators ang itinapon sa kulungan at 45,734 na baril ang nakumpiska. Sa cybercrime enforcement naman, 408 operations ang isinulong at 518 katao ang inaresto.

May 722 anti-smuggling operations ang ipinatupad at dito pasok ang ismagel na sigarilyo. Time first muna mga kosa, marami pang bilin si Nartatez kaya lang bitin na espasyo ni Dipuga. Abangan!