MANILA, Philippines — Mariing itinanggi ni acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Jay Ruiz na malilipat siya sa ibang puwesto.
Ito ay matapos na i-anunsiyo ng isang opisyal ng PCO sa flag raising ceremony kahapon ng umaga na naka-leave si Ruiz at si Undersecretary Anna Puod muna ang officer-in-charge.
Nabatid na kahapon ay masama ang pakiramdam ni Ruiz kaya nag-leave siya subalit biglang napasugod sa Malakanyang.
Sa ambush interview, itinanggi ni Ruiz na papalitan na siya sa puwesto at mayroon siyang sakit na COVID-19.
Mananatili aniya siya sa puwesto hanggang walang bagong utos sa kanya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa ngayon ay ang pagpapahatid sa publiko ng mga programa ng gobyerno ang kanyang tututukan base na rin sa kanyang mandato na magbigay ng mga tamang impormasyon sa taumbayan.
Nilinaw pa ni Ruiz na hindi niya maaaring abandonahin ang tungkulin niya sa halip ay manananatili siya sa puwesto hanggang hindi siya sinasabihan ng Pangulo na umalis.
Minabuti aniya niyang lumiban muna sa trabaho kahapon ay dahil sumama ang pakiramdam para sumailalim sa COVID-19 test para makasiguro at hindi na makapagdulot ng peligro sa mga kasamahan kung sakali.
Nagnegatibo naman aniya ang pagsusuri kaya bigla siyang nagpasyang pumasok na.