December 16, 2025 | 12:00am
AYAW ni Harry Roque umuwi dahil hindi raw maganda ang justice system dito sa atin. Pero si Duterte gusto niyang pauwiin dahil okey naman daw justice system sa atin.
Sa ehemplong iyan makikita na ang abogado ay puwede sa pula o sa puti. Walang mali, puro tama basta siya ang nagsabi.
Graduate si Roque sa prestihiyosong U.P. Law School. Propesor siya dati ru’n. Espesyalista raw sa international law.
Kung ganyan ang produkto ng pangunahing Pamantasan ng abogasya, ano pa kaya sa …?
Nananawagan si Atty. Rico Domingo sa mga kapwa niya abogado. Pakaisipin daw nila na mas mabuting tumulong sa prosecution imbes na sa defense ng mga tiwaling kontratista, pulitiko, at DPWH officials.
Trilyong piso ang tinangay ng mga kawatan mula sa kaban ng bayan. Kung ang mga abogado de kampanilya ay tutulong sa depensa ng mga nandambong, malamang abutin ng isang dekada ang kaso. Maitatago, malulusaw ang ninakaw. Sa huli, abswelto pa ang salarin.
Graduate rin ng UP Law School si Domingo. Propesor ngayon sa Ateneo Law. Dating presidente ng Philippine Bar Association, pinakamatandang samahan ng mga abogado sa bansa. Founder ng Movement Against Dynasties at ng Movement Against Disinformation.
Dati-rati, ani Domingo, malaki na ang P1 milyon acceptance fee ng abogado sa kliyente. Ngayon umaabot sa P150 milyon na ang acceptance fee mula sa mandarambong. Kung ganun kalaki ang halaga, kuwenta kaparte na ng abogado ang kriminal, ani Domingo.
Lahat ng tao ay may karapatan sa depensa. Pero may matataas na prinsipyo sa abogasya. Una ang katarungan para sa mamamayan.
Ano kaya ang pananaw dito ni Roque at iba pa?
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)