Sako ng mga buto narekober sa Taal Lake


MANILA, Philippines — Pormal nang sinimulan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagsisid sa Taal Lake kung saan sinasabing itinapon ang mga missing sabungero.

Sa isinagawang search and retrieval o­perations kahapon ay isang sako na naglalaman ng tila mga buto ang nakuha.

Ayon kay Police Col. Geovanny Emerick Sibalo, provincial director ng Batangas Police sa panayam ng ABS-CBN News, ang sako ay nadiskubre may 10 metro mula sa dalampasigan.

Hindi pa makumpirma kung ito’y mga buto ng tao. Agad naman itong i-tinurnover sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) para isailalim sa forensic examination.

Una rito, madaling araw pa lamang kahapon ay dinala na ng PCG ang mga kagamitan na gagamitin sa search and retrieval operations.

Ibinaba ang mga ­naturang equipment sa coast guard substation dakong alas-2 ng madaling araw at inilipat sa fishport, na magsisilbing staging area.

Kabilang dito ang mga diving suits at fins, oxygen tanks, cadaver bags, first aid kits, life rings, rigid hull inflatable boats, at rubber boats.

Sinabi ni PCG Spokesperson Captain Noemi Cayabyab, na ang operation ay inumpisahan sa lake mapping at site assessment sa “ground zero” o fishpond area ng isa sa mga suspek. 

Bitbit ng PCG sa lugar ang unmanned aerial vehicles (UAVs ) at Remotely Operated Vehicles (ROVs) o drones.

Ang PNP-CIDG ang mangangalaga sa seguridad sa bisinidad ng Taal Lake at ilang bahagi ng Laguna.

Ang search and retrieval operations ay palalakasin ng mga divers ng Phl Navy mula sa Naval Special Operations Command (NAVSCOM).

“Taal Lake ang isa sa pinakamalalim na lake sa Pilipinas. Ito ay may lalim na 170 to 200 meters. Merong volcanic activity dito kaya ang plano dito ng PH Navy….ay ise-send out muna namin ‘yung aming unmanned drones para makita ang condition sa ilalim at last resort na ang pag-send ng ating technical divers,” saad ni Captain Percie Alcos, spokesman ng Philippine Navy.

Tatlong team o 12 divers ang ide-deploy ng Navy na may kakayahang sumisid ng 94 metrong lalim sa katubigan o halos kalahati ng kabuuang lalim ng lawa habang gagamit din ang mga ito ng underwater drone.

Una nang ibinunyag ng akusadong si ­Julie Patidongan na ang missing sabungeros ay itinapon sa Taal Lake.

Tinukoy pa niya ang negosyanteng si Atong Ang na siya umanong utak sa krimen at isinangkot sa kaso ang aktres na si Gretchen Barretto, na napapabalitang malapit sa negosyante. 

Mariin naman na nilang pinabulaanan ang alegasyon.

Ayon sa mga awtoridad, ang pinakamalalim na bahagi ng lawa ay aabot ng hanggang 198 metro, na katumbas ng isang 60-palapag na gusali. 

Ilan naman umano sa mga hamong maa­aring kaharapin ng mga searchers ay ang pagsama ng panahon at malakas na current ng tubig, gayundin ang banta ng pag-aalboroto ng bulkan. 

Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi lamang 34 kundi nasa 100 sabungero ang pinaniniwalaang itinapon sa Taal Lake simula 2021 hanggang 2022. — Joy Cantos, Ludy Bermudo