Sandro, Pulong nagpatutsadahan | Pilipino Star Ngayon


Joy Cantos — Pilipino Star Ngayon

September 19, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Binuweltahan ng patutsada nitong Huwebes ni Davao City 1st District Paolo “Pulong” Duterte si presidential son at House Majority Leader Sandro Marcos na huwag umano itong magbingi-bingihan at maging bulag sa nais ng publiko na sagutin ang kontrobersyal na anomalya sa ghost flood control projects.

“Walang ghost projects dito (Davao City), ‘di ako naghahanap pero ang taumbayan hinahanapan kayo ng resibo.

Ginawa ni Pulong ang patutsada bilang tugon sa sinabi ni Sandro noong Miyerkules na dapat magpaliwanag si Pulong sa P51 bilyong pondo sa flood control project sa lungsod ng Davao.

Si Pulong ay kinukuwestiyon kung bakit sa kabila ng napakalaking pondo sa flood control projects sa Davao City ay matindi pa rin ang baha dito.

Sinabi ni Pulong na nilinaw na ng DPWH Region XI na ang P49.8 ­bilyong halaga ng proyekto sa Davao City ay naisakatuparan, accounted na itong lahat at umaasa siyang magpapakita rin ng transparency ang presidential son sa mismong distrito nito.

Kinuwestiyon ni Marcos ang hindi pagdalo ni Pulong sa mga sesyon ng Kamara kung saan maging sa mga komite ay hindi rin ito nagpapakita.

“I have refrained from regularly attending sessions not out of ­neglect, but because the stench of graft and corruption has become unbearable within these very halls. It is an environment that suffocates true public service,” tugon naman ni Pulong.

Sa halip, sinabi ni Pulong na dapat tumulong umano si Sandro na mai-account ang trilyong pondo na ini-insert sa infrastructure projects sa DPWH partikular na ni dating House Appropriations Committee at AKO Bicol Partylist Rep. Zaldy Co at ibalik ito sa National Treasury.