Sari-sari: Tindahang OFW? | Pilipino Star Ngayon


Marami rin sa ating kababayang overseas Filipino worker ang nagnenegosyo ng sari-sari store. Maaaring ito’y maliit o medyo malaki, nakapuwesto sa harap ng kanilang bahay o sa isang sulok ng komunidad. May ilan na itinayo ito habang nasa abroad pa, katuwang ang kanilang pamilya. Ang iba naman, pagkatapos ng maraming taong pagod sa ibayong-dagat, ay ginagawang panimulang hakbang ang tindahan bilang pagsisimula ng bagong kabanata sa Pilipinas.

Hindi na bago ang la-rawang ito sa maraming barangay. Sa isang kanto, may matagal nang tindahan. Sa kabilang panig, may bagong bukas. Tila palaging may sumusubok, palaging may umaasa. Dahil sa maliit na kapital at abot-kayang paraan ng pagtayo nito, madali para sa marami ang pasukin ang ganitong uri ng negosyo. Ang konsepto ay simple: bumili ng paninda, magpatong ng kaun-ting tubo, at ibenta sa kapitbahay.

Pero sa likod ng pagiging pamilyar at tila madali, may mga tanong na dapat sagutin. Kumusta ang kita? Paano kung limang tindahan na ang nasa loob ng parehong kalsada? Saan pa hahatak ng suki? May ilan ngang lugar kung saan halos magkakadikit ang sari-sari store. Sa ganitong kumpetisyon, madalas ay halos pare-pareho ang produkto — de-lata, instant noodles, mantika, toyo, suka, softdrinks, bigas, sabon, sigarilyo, tsitsirya, candies, alak, kape, tinapay, asukal, toothpaste, shampoo, napkin, tissue paper at iba pa. Kung ga-yon, paano makakabawi ang OFW na umaasang ito ang magiging sandigan ng kanyang pag-uwi?

Ang ilan, para tumagal ay nagdadagdag ng kakaibang paninda. Nariyan ang school /office supplies, over-the-counter na gamot, print-copier-scan-laminate o lutong ulam o meryenda depende sa kanilang lokasyon, cellphone load, WiFi, Gcash, processed food tulad ng longganisa at hotdog, maging mga gulay, karne at isda. May iba na nagtitinda ng mga damit o kaya nag-aalok ng repair service sa mga kagamitang pangbahay. Hindi lahat ay tumatagal, pero ang ilan ay nabubuhay sa tiyaga, malasakit sa suki, kaunting diskarte at determinasyon.

Ang usapin ng “pautang” ay isa rin sa mga nagpapabigat sa maliliit na tindahan. Bagama’t bahagi na ito ng kultura ng tindahan sa maraming komunidad, marami na rin ang nagsara dahil hindi nababayaran ang mga utang.

Kaya dumarami na ang mga sari-sari store na hindi nagpapautang. Laganap na ngayon ang mga karatulang may nakasulat na “Bukas ka na umutang” o “Your credit is good, but we need cash.” Sa ganitong diskarte, mas umiikot ang puhunan at mas kontrolado ang daloy ng kita.

Isang malaking bentahe ng sari-sari store ay ang kakayahang maitayo ito sa sariling bahay.

Hindi kailangang magbayad ng renta. Kahit maliit ang kita sa umpisa, hindi ito agad nalulugi basta’t naaagapan ang gastos. Ngunit may isa pang hamon—ang oras at presensiya.

Ang mga tindahang walang tumatao, walang nagbabantay, o laging sarado ay agad tinatalikuran ng kustomer.

May ilan na nasasayang lang ang puhunan dahil walang tao o disiplina para asikasuhin ang negosyo.

Minsan, ang problema ay hindi ang tindahan kundi ang kawalan ng pansin sa pamamalakad.

Kaya’t kung ang OFW ay seryosong nagbabalak magtayo ng tindahan, hindi ito dapat ituring na “pansamantala lang” o “pantawid sa kabagalan ng panahon.” Dapat malinaw ang layunin: ito ba ay pangmatagalan?

Kaya bang palaguin? May sapat ba na kaalaman sa basic accounting o inventory? May taong pwedeng makatuwang na hindi lang basta nagbabantay kundi nag-aasikaso?

Kung wala ang mga ito, maaaring sayangin lang ang puhunan na pinaghirapan sa ibang bansa.

Hindi masama ang sari-sari store bilang panimulang negosyo. Sa katunayan, ito ang naging daan ng maraming Pilipino para unti-unting umasenso. Ngunit sa harap ng makabagong kalakaran—online selling, food delivery, at franchising—kailangan din nating itanong kung ang pagnenegosyo ba natin ay sumasabay sa panahon. Ang pamilyar ay hindi laging sapat. Minsan, kailangan din ng bukas na pag-iisip, at tapang na subukan ang mas malawak na opsyon.

Sa huli, ang sari-sari store ay maaa-ring unang hakbang—hindi dulo.

Kung ito’y pagmumulan ng mas malawak na pananaw, disiplina sa pananalapi, at maayos na pamamahala, hindi imposible na ito’y maging matatag.

Pero kung ito’y magiging alaala lang ng isang panandaliang pagsubok, baka mapabilang lang ito sa mga negosyong sinimulan ngunit hindi naituloy.

Ang pera mula sa pawis ng OFW ay hindi dapat matunaw sa mga palpak na plano.

Sa halip, ito’y da-pat maging binhi ng isang mas matibay, mas maayos, at mas pinag-isipang kinabukasan.

* * * * * * * * *

Email- [email protected]