November 27, 2025 | 12:00am
Masalimuot ang kasalukuyang ikot ng ekonomiya ng Pilipinas. Humihigpit ang liquidity, bumabagsak ang business confidence, at tumataas ang pag-aalinlangan ng mga sektor na tradisyong mabilis umiikot ang kapital. Kailangan natin ang daloy ng pera, hindi pangamba.
Isa sa pinakapinag-uusapang polisiya ang ?500,000 banking threshold, kung saan ang withdrawals at deposits na lampas dito ay nangangailangan na ng dokumentasyon at mas mahigpit na bank validation. Ipinatupad ito kasunod ng kontrobersiya sa flood-control expenditures. Ngunit para sa entrepreneurs, malinaw ang katotohanan: ang karaniwang negosyo sa Pilipinas ay velocity-driven—hindi form driven.
May milyun-milyong Pilipinong negosyante na ?500K-?1M ang operating capital na umiikot halos araw-araw—sahod, logistics, supplier payments, at materyales. Kapag ang proseso ay mabagal, ang sirkulasyon ay humihina.
Dahil sa matagal na documentation steps, maraming business owners ang mas pinipiling mag-retain ng pera sa bahay para sa in-and-out na transaksiyon, sa kabila ng security risks. Kapag ang currency ay naalis sa formal banking circulation, ang velocity of money sa pormal na ekonomiya ay bumababa at nagiging luksu-lukso ang liquidity ng merkado.
Sa construction sector, malakas ang domino effect: maraming legitimate contractors ang nag-uulat ng na-hold o na-delay na billings kahit kumpleto sa compliance at walang kinalaman sa kontrobersiya, kaya ang delay ng koleksiyon ay nagiging delay ng sahod at bagal ng ikot ng kabuhayan. Damay ang supply chain—supplier ng semento, bakal, aggregates, fuel, trucking, hardware, rentals, at equipment. Kapag na-freeze ang malalaking disbursements at collections, localized economic drought ang kapalit, ramdam hanggang sa grassroots enterprises sa paligid ng project ecosystems.
At kung iniisip ninyong isolated lang ang epekto, hindi. Sa Greenbelt, Ayala Mall—tinaguriang holy grail ng luxury retail —ramdam din ang slowdown. Bagsak ang benta, wala na ang dating buyers na contractors at pulitikong bumibili ng daan-libo hanggang milyon sa isang pasada.
Habang sinusuportahan ng publiko ang enforcement—kaso at warrant laban sa dapat managot—inaasahan din ng sambayanan ang mabilis na pag-wrap up ng flood-control mess, at agarang aksiyon tulad ng pagtatayo ng dams at pag-update ng luma at outdated na flood-control designs.
Isa ang pananagutan sa hustisya, ngunit agarang infrastructure action ang nagbabalik ng liquidity, trabaho, at business confidence. Hindi perpekto ang hinihingi natin—urgency, coherence, at aksiyong nagpapatatag ng tiwala. Sa ekonomiyang Pilipino, hindi ingay ang nagpapaikot ng pera—siguradong aksiyon ang nagpapasigla at nagpapatatag ng kabuhayan.
* * *
Para sa mga komento at suhestiyon, mag-text sa 09818100000.