Senado at Kongreso, todo depensa sa mga kaalyado!


DIPUGA — Non Alquitran — Pilipino Star Ngayon

September 21, 2025 | 12:00am

NAGLALAGABLAB na ang galit ng mga Pinoy sa trillion-peso flood control projects scam na ang sangkot ay mga pulitiko at empleyado ng gobyerno. Hindi ito Marites lang kaya hindi nakapagtataka na ang mga Pinoy, taga-Simbahan, Kakampinks, Rightists, at Progressive groups, ay magtitipon-tipon sa Luneta, EDSA at iba pang lugar sa Pinas at maging sa ibang bansa para magsagawa ng protest rally upang isigaw na sawa na sila sa corruption. Panahon na para pangalanan, ilantad at singilin ang mga mukhang perang pulitiko at mga opisyal ng gobyerno na ang buong akala ay sila lang ang marunong magpaikot sa sistema. Maghanda kayo. Hindi kayo sasantuhin ng galit ng sambayanan.

Pero aminin din natin: may liderato na ngayon na handang sagupain ang mga sindikatong ito, kahit ang kalaban ay nasa loob mismo ng gobyerno. Hindi ito biro. Malalaking isda ang nakasalang. Kaya’t dapat suportahan at sabayan ng mga Pinoy ang laban, kasi kung puro mga pulitiko lang ang magdidiskarte-tulad ng mga hearing at imbestigasyon kuno, siguradong malulusutan na naman ng mga tarantadong sangkot sa scam ang kasong ito. Mga Kapalmuks! Habang lumulubog ang mga Pilipino sa baha, ang mga nasa Kongreso at Senado todo takip sa kanilang mga kabaro! Mga district engineer na sangkot, mga kontratistang gahaman, at mga mambabatas na kung umasta’y malinis, pero punumpuno ng putik.

Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang ghost o sub-standard flood control projects ay hindi tsismis, kundi pandarambong. Mga big-time contractor, gaya ng mga Discayas, sabwatan ng DPWH officials tulad nina Alcantara at Brice, at pakana ng mga senador at kongresista na walang ibang inatupag kundi magpaikot ng budget para may panglaman sa bulsa. Dapat flood control pero ang nangyari, flood ng corruption. Ang tanong, anong ginawa ng Kongreso at Senado? Imbes na magpaliwanag, puro stonewalling at depensa. Skirting dito, deflecting doon—ginagago nila ang taumbayan. Ang kapal ng mga mukha!

Kapag nagpatuloy na magbubulag-bulagan ang Kongreso at Senado, lalo lang nilang pinatutunayan na alipin sila ng pansariling interes. Pero kung sama-sama ang mga Pinoy na magsusumbong, magbubulgar, at mag-iingay, wala silang takas. Huli cow kayo! Sa huli, ito ang totoong “Survival of the Thickest.” Sa sobrang kapal ng mukha ng mga sangkot sa nakawan, akala ‘di na mababasag ang suwerte nila. Tandaan: kapag nagkaisa ang taumbayan, kahit gaano kakapal ang bala nila, dudurugin din ang kanilang depensa. Oras na para singilin kayo ng mga Pinoy na matagal n’yo nang nilulustay ang ibinayad nilang buwis. Abangan!