Senado, Kamara kumasa sa lifestyle check


Joy Cantos, Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 29, 2025 | 12:00am

Bagaman at limitado sa ehekutibo ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na lifestyle check na sisimulan sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kumasa ang ilang senador at kongresista sa hamon.

Ayon kay Senate Depu­ty Minority Leader Risa Hontiveros, walang problema kung ipag-utos din ng mga lider ng Senado at House na lahat ng mga mambabatas ay sumailalim sa lifestyle check.

Naniniwala si Hontiveros na may legal na basehan ang utos na isailalim sa lifestyle check ang mga nagta-trabaho sa gobyerno.

“Siguro naman may legal na basehan dahil nagawa na po ito dati sa ilang mga sandali na na­ging napaka-sensitive sa publiko. Yung parang sabi nung iba, unexplained wealth o ‘di kaya conspicuous consumption sa lifestyle. And kaming lahat naman po na nagtatrabaho sa gobyerno ay nasa ilalim ng utos ng batas na to live simple lifestyles,” ani Hontiveros.

Naniniwala naman si Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III na pati ang mga asawa ng mga opisyal ng gob­yerno ay isailalim sa lifestyle check.

Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Imee Marcos na “long overdue” na ang pagsasailalim sa mga opisyal ng gobyerno sa lifestyle check at ipinahiwatig pa nito na dapat ay mauna ang mga mambabatas.

“Long overdue na yan lifestyle check na yan kasi kung titignan mo yung mga Facebook nila, ikaw ang masisindak sa pinagmamalaki ng mga sasakyan, mga apartments sa ibang bansa, mga alahas na kakaiba. Kaya karapat-dapat lamang. Wala namang sikreto, kitang-kita ng mga ebidensya,” ani Marcos.

Suportado rin ng mambabatas sa Kamara ang kautusan ng Pangu-lo na isalang sa lifestyle checks ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno.

Ayon kay House Public Accounts Committee Chair Terry Ridon, mahalaga na hindi lang iisang ahensya ang tutukan kundi lahat ng sangay ng pamahalaan.

“ I think wala naman hong problema na magkaroon din po ng lifestyle checks sa mga miyembro po ng Kongreso, kahit ng hudikatura. Kasi syempre kailangan naman po talagang all-encompassing,” paha­yag ni Ridon.

Ayon kay Ridon mahalaga ang lifestyle check. Bilang mga public officials ay dapat mamuhay ng disente at sapat lang sa kakayahan na ilantad ito sa publiko na walang itinatago.

“Meron po talagang mga expectations on all government officials, on all government emplo­yees, na talaga naman pong dapat we should be able to lead and live modest lives,” ani Ridon.

Sa panig naman ni Manila Rep. Benny Abante, sinabi nitong kung nais ng Pangulo na simulan ito sa DPWH ay mas makabubuti.

“I think very important ‘yun, pero kung kinakailangan, lahat na pati judiciary,” ani Abante na dapat magkaroon ng lifestyle check.

Isinaad naman ni CIBAC Rep. Bro. Eddie Villanueva, krusyal ang lifestyle check para mapanumbalik ang tiwala at pananagutan sa gobyerno.