MANILA, Philippines — Malabong kilalanin ng International Criminal Court (ICC) ang panukalang resolusyon ni Sen. Alan Peter Cayetano na naglalayong hilingin ang house arrest para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Atty. Kristina Conti, ang pansamantalang paglaya ni Duterte mula sa detention ng ICC ay usapin na dapat talakayin ng mga judges, depensa at prosecutors at hindi ng Senado.
Ipinahiwatig ni Conti na walang kapasidad ang Senado para kilalanin ng ICC.
“Una, mayroon bang kapasidad, may awtoridad ba, kikilalanin ba itong resolusyon na ito ng ICC? Sa puntong ito, hindi — actually sa kahit anong punto hindi kikilalanin ng ICC ang ganitong resolusyon na parang nangingialam sa kaniyang mga proseso,” sabi ni Conti.
Isinangkalan ni Cayetano sa kanyang resolusyon ang lumalalang kalusugan ni Duterte kaya nais nitong hilingin ng Senado sa ICC ang house arrest ng dating Pangulo.
Pero sinabi ni Conti na walang pruweba si Cayetano tungkol sa lagay ng kalusugan ni Duterte.
“Walang kinalaman si Senator Alan Peter Cayetano sa sitwasyon ni Duterte ngayon, walang pruweba na nakabisita siya at puro hearsay kumbaga ang kaniyang basehan,” sabi ni Conti.
