UP Manila student todas sa 4 akyat bahay


Inatado ng 38 saksak, pinukpok ng dumbbell

MANILA, Philippines — Isang 21-anyos na kolehiyala ng UP Manila ang nasawi matapos saksakin ng 38 saksak at pinukpok pa ng dumbbell sa ulo nang pumalag sa apat na pinaghihinalaang mi­yembro ng Akyat Bahay gang na pumasok sa tahanan nito sa Brgy. La Filipina, Tagum City Davao del Norte nitong Miyerkules.

Sa report ng Tagum City Police,ang bangkay ng biktimang si Sophia Marie Coquilla ay nadiskubre ng mga magulang nito matapos umuwi sa kanilang bahay kinau­magahan ng nasabing araw.

Ang bangkay ng biktima ay natagpuang nakabalot sa duguang kumot sa kama nito sa kaniyang silid habang nasa tabi naman nito ang mga duguang itak, grass cutter, dumbbell at isang duguang panyo na ginamit ng mga suspect sa krimen.

Pinaniniwalaan namang ang pag-atake sa biktima ay naganap sa pagitan ng alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-5:00 ng ­umaga dahilan sariwang-sariwa pa ang dugo nito at mainit pa ang katawan ng abutan ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya.

Nabatid na ang dalaga ay nag-iisa sa kanilang tahanan nang pasukin ng mga suspect dahilan may pinuntahan ang mga magulang nito at kinabukasan na ng umaga umuwi na posible umanong nagising kaya pinaslang ng mga suspek.

Lumutang din na akyat bahay gang ang nasa likod ng krimen at pagnanakaw ang motibo dahilan nawawala ang mga personal na kagamitan at mga gad­gets ng biktima habang magulong-magulo rin ang buong kabahayan lalo na ang kuwarto ng dalaga.

Ayon kay Davao del Norte Provincial Police Office (PPO) Director P/Col. Alexander Serrano Jr., ang apat na suspect ay nakunan ng CCTV habang papatakas sa crime scene na nag­resulta para masakote sa follow-up operations ang dalawang menor- de-edad na suspect sa boarding house ng mga ito sa lungsod nitong Huwebes.

Narekober mula sa mga ito ang Apple laptop ng biktima, iPad, isang iPhone na sinira ng mga suspect, dalawang relo at isang balisong na may bakas pa ng dugo.

Patuloy naman ang pagtugis ng mga awtoridad laban sa dalawa pang suspect na sangkot sa krimen