Senator Erwin: Contractors sa ghost projects, DPWH officials at ilang pulitiko kasuhan!


Malou Escudero — Pilipino Star Ngayon

August 26, 2025 | 12:00am

MANILA, Philippines — Nais ni Senate Blue Ribbon Committee Vice-Chairman Erwin Tulfo na kasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang mga contractor at opisyales ng DPWH pati ang ilang pulitiko na nagsabwatan sa ghost at substandard flood control projects.

Sa isang panayam sinabi ni Sen. Tulfo na trilyong pisong pera ng taumbayan ang ninakaw nila kaya’t nararapat lamang na panagutin silang lahat.

Ani Tulfo, ang mga isiniwalat ni Pangulong Marcos at Sen. Lacson na mga ghost at substandard projects ay sapat ng ebidensya para makasuhan at makulong ang mga “kawatan”.

“Kung yung shoplifter nga na ilang item lang ang ibinulsa na wala pa isandaang piso ang halaga, kulong agad…dapat ganun din itong mga nagnakaw ng trilyong pisong halaga sa government projects,” wika ng senador.

Base sa report ng DPWH, P1.2 ­trilyon na simula noong 2022 hanggang sa kasalukuyang taon iginugol na pondo para sa flood control.

Labin-limang contractor lang ang naghati-hati sa higit isang trilyong pisong flood control projects na palpak ang pagkagawa ayon sa Pangulo.

Lima ang napapabalitang nagpapa-rent ng kanilang lisensya tulad ng Legacy Construction, Alpha and Omega Contractors, St. Timothy Construction, EGB Construction, at Road Edge Trading.

Tatlo naman ang sabit sa ghost flood control projects na nabanggit ni Sen. Ping Lacson sa Bulacan kabilang ang Wawao Construction, Symp Construction, at Darcy and Anna Builders & Trading.