MANILA, Philippines — Hinimok ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga kinauukulang ahensya partikular na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at ang Department of Migrant Workers (DMW) na kumilos nang mabilis at gawin ang lahat para matulungan ang mga apektadong Pilipino kasunod ng magnitude 7.7 lindol na tumama sa Myanmar at ilang bahagi ng Thailand noong Marso 28.
Isa sa mga nag-akda at isponsor ng Republic Act No. 11641 na lumikha sa DMW, sinabi ni Go na ang pagprotekta sa OFWs sa panahon ng krisis ay dapat ituring na “urgent national concern”.
“Kapag may sakuna sa ibang bansa, hindi puwedeng umasa lang tayo sa impormasyon mula doon. Dapat tayo mismo ang kumikilos, tumatawag, at sumusundo kung kinakailangan. Buhay ng kababayan natin ang nakataya,” ani Go na nanawagan sa gobyerno na paigtingin ang coordination at response efforts nito.
Ayon kay DFA Undersecretary for Migrant Workers Affairs Eduardo de Vega, apat na Pinoy sa Myanmar ang hindi pa nahahanap.
Muling iginiit ni Go na ang paglikha sa DMW sa ilalim ng administrasyong Duterte ay upang matugunan ang mga sitwasyong tulad nito. Nilagdaan bilang batas noong Disyembre 2021, pinagsama-sama ng Republic Act No. 11641 ang lahat ng serbisyo sa ilalim ng isang departamento upang maging mas mahusay at nakapokus ang tulong sa OFWs.