Signature campaign arangkada vs pagmimina sa Calayan Island


Artemio Dumlao — Pilipino Star Ngayon

November 24, 2025 | 12:00am

BAGUIO CITY, Philippines — Nagsimula ang mga residente ng Barangay Babuyan Claro sa Calayan, Cagayan ng isang signature campaign bilang pagtutol sa Exploration Permit ng Ludgoron Mining Corporation.

Sa pangunguna ng mga opisyal ng barangay at mga lider ng tribong Ibatan, mabilis na nakakuha ng suporta ang kampanya mula sa mga lokal na residente na nag-aalala na ang pagmimina ay maaaring makasira sa kalikasan ng kanilang isla.

Kinumpirma ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) ang Exploration Permit ng Ludgoron Mining Corporation para sa iron ore at iba pang mineral sa Babuyan Claro.

Ngunit bago pa man magsimula ang proyekto, nahaharap ito ng malakas na pagtutol mula sa komunidad na umaasa sa likas na yaman ng isla para sa kabuhayan at kultura.

Matapos matanggap ang abiso mula sa MGB tungkol sa Exploration Permit application, agad na tinipon ni Mayor Jong Llopis ang Sangguniang Bayan at ipinasa ang isang resolusyon na nagdedeklara ng “matinding pagtutol” ng munisipalidad sa pagmimina. Binanggit ng resolusyon ang pangako  na ipagtanggol ang kalikasan at kultura ng Calayan mula sa mga extrative activities.

Pinayuhan ni Mayor Llopis ang Barangay Babuyan Claro na maglabas ng sariling pagtutol at humiling ng suporta mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Ang naturang signature campaign ay patuloy na lumalawak, at hinihikayat ng mga organizer ang mga residente na sumali sa pagtutol laban sa iminungkahing pagmimina.